National Fisheries Research and Development Institute Online Information System

Halalan na Naman

by: Pluma
May 07, 2018

Halalan na naman mga kababayan
At ayan na mga plastik na dragon nagsipaglabasan
Nakangiti at kumakamay kahit di ka kilala
Palibhasa boto mo sa halalan ay kailangan nila.
Pero nung nanunungkulan asan nga ba sila?
Di ba nasa kung saan saan, at hari kung makaasta?

Napakagandang mga pangako muling binibitawan
Na kanilang isasagawa pag nanalo sa halalan.
Subalit ilang taon na nga ba silang nanunungkulan?
Di ba't nagawa sa bayan ay tila wala naman?
Sila na matatas at mabulaklak magsalita
Ay iyong kilalanin, kung sila nga ba'y maraming magagawa.

Handa ka na nga bang iwasan ang tukso
At huwag pabayaran ang iyong karapatan at boto?
Limandaang piso sa iyo'y ibibigay
Kapalit ay tatlong taong pagdurusa sa kanilang mga kamay.
Kaya't pagnilayan kung sila ba sa bayan ay may maitutulong
Di ba't kilala mo naman kung sino ang tapat at sino ang buhong?

Ang ating bayan kaytagal sa pagkalugmok nakabaon
At tila bang sa dusa, ay hirap makaahon.
Sa darating na halalan narito na ang pagkakataon
Upang makapili ng lider, na sa bayan ay makakatulong.
Kaya mag-isip isip mahal kong kababayan
Sa darating na halalan, matinong politiko lang sana ang bilugan.