National Fisheries Research and Development Institute Online Information System

Mitsa ng Kabutihan

by: Pluma
April 05, 2018

Bakit nga ba ang hirap magpakumbaba?
Dahil ba sa maayos mong itsura?
O sa yaman mong pinapangarap
Na kung susurii'y di naman ganap?
Di naman masama kung ikaw ay mangarap
Pero sa tula kong ito, sana ikaw ay mamulat.

Ating pagmuni-munihan
Pangyayari sa ating kapaligiran
Kababaang-loob, ikaw nga ba ay nasaan
At tila ba sa aking kababayan, di na makikitaan?
Mga susunod kong kuwento, di ito imbento,
O kwentong barbero, bagkus ay totoo.
Wag sanang tamaan, kung ika'y isa sa mga ito.

Bawat araw sa aking pagsakay
Sa jeepney na akin ng kaagapay
Papasok sa aming payak na tanggapan
Anupa't ikaw na nama'y andiyan
Sa masikip na upuan, umusug- usog ka naman
At huwag kung makaupo’y pag-aari ang sasakyan.

Sa aking paglalakad sa kalsadang lubak-lubak
Kasalubong koy’ taas noong maangas
Sa gilid ako'y dumaraan dahil nakasanayan
Turo pa yan ng yumao kong mga magulang.
Subalit babanggain mo pa't ako ay sasagiin,
Pati ba ang daan may may-ari na rin?

 
Kay sarap sanang hangin ay langhapin
Subalit sa panahon ngayon, iyo pa bang nanaisin?
Dahil sa usok ng sigarilyong, kay manong naggagaling
Na kung makabuga'y, sa kanya ang hangin
Pati upos naman nito'y kung saan-saan lang pipitikin.
Ang bayan kong mahal, basurahan niya at angkin?

Sa ating araw-araw na mga gawain
Sa ating paglalakad sa mga landasin
Normal na sa atin, sasakyang matulin
At ang usok nito’y lubos na maitim.
Ganun na nga ba kayaman ang iba
At ang kalsada't kapaligiran, kanilang nabili na?

Sa aming bayan maraming astang mayayaman
Magmasid-masid ka’t, sa tabi-tabi ay naririyan
Marami sila, kaya mag-ingat palagi
Sila, na lubusang maiitim ang budhi
Pati buhay ng kanilang mga kapuwa,
Pakiwari ko’y, tila pag-aari na din nila.

Bakit na nga ba, mahirap magpakumbaba
Kung dito sa mundo, lahat din tayo mawawala?
Aking hiling, pagmamalasakit sa kapuwa
Ating simulang iparamdam at ipaunawa
Sa mga kabataang pag-asa ng bayan
Upang maging mitsa, sa pamamayani ng kabutihan.